Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

"SINO KA BA JOSE RIZAL?"

Ito ang ikalawang tula na aking ginawa--isang malayang tula na walang sukat, taglay nito ang siyam na saknong at apat na taludturan. Kung napapansin niyo ang hulihan ng bawat taludtod ay nagtatapos sa "an". Ang tulang ito-ang unang ginawa ko nang nag-aral ako sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. (hindi matandaan ang petsa ng paggawa) Alay ito sa ika-150 kaarawan ni Rizal na may temang "“RIZAL SA IBA’T-IBANG PERSONA: HALIGI NG BAYAN SA MAKABAGONG PANAHON”

SINO KA BA JOSE RIZAL?
Ni Axle Christien Joaquin Tugano


Isang paslit ang binigyang buhay sa bobidang bato karatig ng Nagcarlan
Lalaking isinilang sa panahon ng mapanupil na dayuhan
At sa bayan niya’y kulong ng tanikala nilamon pati Amihan
Mula’t pagkabata nais niya’y huwag duminahin ang bayang sinilangan

Yaong bulanggugong Pepe, balarila’t pagmamahal kanyang pinag-aralan
Pangarap niyang kasin tayog ng salipawpaw sa sarili’y huwaran
Sinasalasa ang dunong, nang makamit ang laya’t tungo sa tarangkahan
Bagkus, hinihikap ang bansa, kaya’y ipinamintakasi sa kaibuturan

Sadyang hindi nakuntento ang bata sa talusaling na kaalaman
Hambukakag nitong mithiin, sa Ateneo bilang pandayan
Kaibigang karnal kanyang nakita, maestrong hatid ay karunungan
Inaral ang dialekto sa wikang sari-sari, handa sa pakikipagtalastasan

Naglakbay siya bilang pinid na pupugayo, ngunit di nasiyahan
Sa tanawing kanyang pinanggalingan, ganap na busabos sa pakikipagsapalaran
Hambog na mananalanta, kanyang lalabanan sa kahinahunan
Pangako’y bolo’t baril isasantabi, nanindigan pluma sa gahaman

Pusong Pilipino’y di nakatiis, sinimulan ang dalawang nobela alay sa kayamuan
Mapagkumbabang manunulat, nanlaban sa kubli bilang Laong-Laan
Puting kapayapaan at itim na tinta, taglay na sandatahan
Hindi kailanman naging bulagsak, sa nayong pinangakuan

Sa pagsibol ng kanaryong panahon, patunay na siya’y palakaibigan
Dampang pakikisama, kailanman di naging talusira, ika ni Resureccion
Kaalyansa niya’y nagbigkas, mahusay na pintor’t musikero sa tanan
Kisap-mata ng himpapawid, kanyang inalala gaya ng kapatiran

Pag-ibig sa tinubuan, ibinahagi ang alindog sa kababaihan
Nabigo mang ibigin ang iniirog, nakilala ang Leonor ng Pagsanjan
Pilyong binata, katumbas kay Boustead’t Jacoby sinubaybayan
Hanggang sa kawag na ulirat, kislap ni Bracken inantabayanan

Dangal niya’y ibinigay, pangwastong mithi, bagsak ng Ginoo’y Dapitan
Nadakip, malinamnam na sandali kanyang minasdan
Iniukit ang “Adios Patria Adorada”, tinig na walang bahagdan
Suwapang na taga-lipol, mapanglibak daw kailanman

Nang sumapit ang bughaw na liwayway, humawak sa Diyos’t kapurihan
Hinarap ang direksyon ng kamatayan sa silangan at kanluran
Hanggang sa huling paglisan, pag-ibig niya’y walang katapusan
Tila dularawang nagbitiw ng katagang: Bansa mo ito, ipaglaban ang karapatan!

" GANYAN KITA KAMAHAL, RAMDAM MO BA?"

Ito ang kaunaunahang tula na aking nilikha. Ginawa ko ito nang nag-aaral pa ako sa GENTLE ANGELS SCHOOL , sa asignaturang Filipino ni Bb. Jenny Japone-Estudillo. Nasa ikatlong taon (TAONG  PANURUAN 2009-2010) palamang ako ng sekondarya nang ginawa ko ang aking unang tula. Akda: Tulang nagpapahayag ng damdamin para sa isang tao.

GANYAN KITA KAMAHAL, RAMDAM MO BA?
ni Axle Christien Joaquin-Tugano

Kamusta ka na, naulila kong sinta?
Ikaw walang pinag-iba nang ika'y aking lisanin
Iniwan kitang naka-ngiti ngunit parang hanggang doon na lamang
Ngayon ako'y nagbalik upang ang lumbay mo'y pawiin
Upang bawiin sa hangin ang ngiti mong kay tamis

O Sinta! O Sinta! Alam mo ba kung gaano kita kamahal?
Walang salita ang sasagot sa katanungan na iyan, wala sinta ko!
Kaya kong tawirin ang dagat, ang tiyak na habagat sa akin sasalubong
Kaya kong lakbayin ang bundok, na tuldok ng kapahamakan
Sa aki'y walang imposible, ako'y handang lumaban: karunungan man pandahas

O Sinta, sana'y ramdam mo ang pagmamahal kong itinanghal sa Maykapal
Sana'y nakikita mo ang puso kong takot sa tukso
Sana'y nahahawakan mo ang damdamin kong hindi natatablan
Ng patalim ng ibang taong sadyang kay sakim!

Ika'y aking mahal, sana ako'y iyong mahal
Huwag natin sanang hayaan na maging matigas na bangkay
Ang tangkay ng ating pagmamahalan
Huwag natin sanang hayaan maagnas na parang
Isang bigas ang ating pag-iibigan

Sana'y lahat ng aking nabanggit ay iyong itanim
Sa iyong puso't damdamin sapagkat kailanma'y
Hindi mo na maririnig ang mga salitang binitawan ko
Kapag ako'y mawala sa mundong ibabaw, Iisa lang ang iiwanan
ko sayong salita "Mahal Kita, ikaw lamang, ganyan kita kamahal, ramdam mo ba?"

"KAYAMANANG WALANG HALAGA"

Ang tula na alay sa mga taong bulag sa katotohanan, naglalaman ito ng suliraning kinakaharap hindi lamang ng ating bansa kundi sa buong MUNDO. Ito ang kauna-unahang tula ko na may SUKAT! Napapansin niyo ang bawat saknong na may 4 na taludtod ay LALABINDALAWAHIN ang pantig. Tumagal ng tatlong araw ang paggawa ng tula na natapos noong Setyembre 30, 2011.




“Kayamanang Walang Halaga”
ni  Axle Christien Joaquin-Tugano

Sapagkat ito ang bayang tinahak ko
Taglay ba nito ang minithi kong yaman?
Kung ang larawang nakita ay kupas na
Inuuod pati ang kaibuturan

Sa aking pagtaya mula pagkabata
Hanggang sa ngayon na ako’y may isip na
Bahid-dumi sa’yo di pa napapawi
Kailan magwawakas ang kahibangang to?

At sa lunsod na aking pinagbuhatan
Iyong matatanaw ang dungis kailanman
Hikahos na bayan wala ni konswelo!
Sampal ba ito sa baldado kong lugar?

Binibining mababa ang kaliparan
Punyal sa iyong puso nawa’y hugutin
Talipandas mong nais iyong burahin
Iangat naman ang dignidad na kubli

Lubog na hustisya sinhapdi ng dayap
Di kailanman nakita ang iyong mukha
Sa pahapyaw mong tikim, ilang salapi?
Pano makamit ang timyas ng hustisya?

Di ko masilay ang makapangyarihan
Ipinangakong karinyo ay nasaan
Katiktik ba s’ya ng nilupak na ginto?
O ang aking moog, kung ako ay lunos?

Naghuhumindig sa galit ang kapatid
Turingang buwayang lubod ay nakita
Mapaglubid ng buhangin ang kabila
Pano ko mamanahin ang yamang yaon?

Ang salawahang pananampalataya
Na sa hanggang ngayo’y pinagtatalunan
Kristiyano’t Muslim ay nagtatagisan
Kapayapaang inilibing sa nitso

Mapagsamantalang hangarin sa kapwa
Pagsibad ng kriminal, gulo ang dulot
Iwasan mapanudyong kapaligiran
San hahakbang kung liwanag di masilay?

San ako maghuhukay ng kayamanan?
Kung balot ito ng tigang na adobe
Paki-ilawan naman ang aking ruta
Nang makamit ang susi ng pagbabago!

"PINUNONG BUGOK"

Ang tulang ito ay aking ginawa noong Oktubre 4, 2011, ang tanagang ito ay binubuo ng walong saknong at apat na taludturan na nagsisiwalat sa kahibangang ginawa ng naka-upong pangulo o di kaya’y ng nakaraang administrasyon. Ang tugma ng bawat taludtod ay nagtatapos sa palasak na –ok.  Ang TANAGA - ay isang sinaunang panulaan ng mga Pilipino na binubuo ng pitong pantig. Ang tulang ito ay pinamagatan na:

“Pinunong Bugok”
ni Axle Christien J. Tugano

MalacaƱang pinasok
Ng buwayang niluklok
Sistema’y mabubulok
Baya’y maghihimutok

Sa pangulo’y idukdok
Sa utak nyang marupok
At sa mata nyang tigok
Dusa ng bayang lugmok

Ang istayl niyang bulok
Pagnakaw na mapusok
Gintong nasa palayok
Ang demonyong nag-udyok

Sya’y kumain ng Andok
At kami’y alikabok
Buti siya’t may mangkok
Kami’y wala ni sandok

Baliktad na tatsulok
Kwadradong walang sulok
To’ ang bahay kong bulok
Kinagat pa ng lamok

Maputi na ang buhok
Ng serpiyenteng katok
La’ paring naaalok
Na ginhawa sa tuktok

Humilata sa tuktok
Kami’y bumangong antok
Magtrabaho sa bundok
Oh! Kaysakit sa batok

Humilata sa tuktok
Tayo’y bumangong antok
Kuhanin mo ang gulok!
At isaksak sa bugok!